-- Advertisements --

Ganap nang isasailalim sa pamamahala ng Philippine National Police (PNP) ang Philippine National Police Academy (PNPA).

Kaugnay nito, ngayong umaga ay pangungunahan ni Interior and Local Government Secretary Eduardo Año ang Ceremonial Turnover ng PNPA sa Camp Cicero Castañeda sa Silang, Cavite, na dadaluhan din ni PNP Chief Oscar Albayalde.

Matagal na panahon ding nasa pamamahala ng Philippine Public Safety College (PPSC) ang PNPA na siyang itinuturing na pangunahing institusyon para sa mga nagnanais maging pulis.

Ayon kay PNP spokesman Pol. B/Gen. Bernard Banac, ang pagsasailalim sa pamamahala ng PNP ang PNPA ay malaking pagkakataon upang palakasin pa ang aspetong pisikal at pangkaisipan ng mga kadete sa pagkapulis.

Ito’y sa harap ng pinalakas na kampanya laban sa mga pasaway na pulis ang internal cleansing sa kanilang hanay.

Sinabi ni Banac na ngayong PNP na ang mamamahala sa PNPA, matututukan na ang pagsasanay sa mga nagnanais maging pulis lalo na sa kanilang pag-aaral hanggang sa maging ganap na ang kanilang pangarap.