
Iniulat ni PNP-OIC at Deputy Chief for Administration PLTGEN Rhodel Sermonia na hanggang sa kasalukuyan ay wala pa ring nakikitang anumang banta ang Pambansang Pulisya para sa seguridad ng taumbayan.
Ito ay sa gitna pa rin ng nagpapatuloy na paggunita ngayon sa Semana Santa kung kailan inaasahan ang pagdagsa ng mga tao sa ilang mga lugar tulad ng mga simbahan, pantalan, paliparan, terminal, at marami pang iba.
Sa isang pahayag ay sinabi ni Sermonia na hanggang sa ngayon ay wala pa ring nakikitang dahilan ang liderato ng Philippine National Police para itaas pa ang antas ng seguridad na kasalukuyan nang ipinapatupad sa bansa.
Samantala, sa kabila naman nito ay tiniyak naman niya na mananatiling nakaalerto ang buong hanay ng kapulisan laban sa mga masasamang loob na posibleng manamantala ng kapwa ngayong panahon ng Mahal na Araw kung kailan karamihan sa ating mga kababayan ay umaalis sa kanilang mga tahanan.
Kaugnay nito ay binigyang-diin din niya na hindi lamang sa mga pangunahing mga transportation hub nakatutok ang kapulisan kundi pati na rin sa lahat ng aspeto ng pagpapatupad ng seguridad, kaayusan, at kapayapaan sa buong Pilipinas.