Tiniyak ni PNP chief Gen. Guillermo Eleazar na gagawin ng PNP ang lahat para mapanatili ang kapayapaan at kaayusan ang ongoing voter’s registration hanggang sa huling araw.
Pinaalalahanan ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) ang mga tauhan nito na tiyaking nasusunod pa rin ang health protocols sa mga voters registration site.
Ayon kay Eleazar, isang linggo na lamang bago ang deadline para sa voters registration na itinakda ng Commission on Elections (Comelec) sa September 30.
Sinabi ni Eleazar na nakarating kasi sa kaniya ang mga reklamo hinggil sa dagsa ng mga nagnanais magparehistro kung saan ay hindi na nasusunod ang physical distancing na posibleng maging dahilan ng super spreader event.
Asahan na aniya ito lalo’t papalapit na ang deadline at tiyak maraming hahabol kaya’t mahigpit niyang binilinan ang mga pulis na magpakalat ng sapat na tauhan para siguruhing magiging maayos at mapayapa ang registration hanggang sa huli.
Binigyang-diin ni Eleazar na mahalaga ang pagpaparehistro ngayong nalalapit na ang Eleksyon 2022 subalit mas mahalaga pa rin aniya ang buhay na maaaring masayang kung pababayaan ang sarili mula sa COVID-19.