Tiniyak ng PNP Highway Patrol Group (HPG) all-set na ang paghahanda ng iba’t ibang aheneya ng pamahalaan para sa pagtatapos ng 30th SEA Games mamaya.

Ayon kay PNP HPG Director, Police B/Gen. Dionardo Carlos, nagpulong kahapon ang SEA Games Task Group Convoy kasama ang HPG, LTO at MMDA riders.

Tinalakay ang pagmamando ng trapiko para matiyak na hindi magkakaproblema sa byahe ng mga delegado na manggagaling pa ng kani-kanilang hotel sa Metro Manila.

Pagtitiyak ng HPG, maayos ang koordinasyon ng bawat ahensya at target nilang maging tagumpay ang pagbyahe ng mga delegado.

Una nang pinayuhan ng mga awtoridad ang publiko, na asahan na ang pagbibigat ng trapiko sa EDSA bukas dahil maliban sa closing ceremony ay mayroon namang concert ng U2 sa Philippine Arena.

Ipatutupad muli ng MMDA ang “stop and go scheme” sa mga lugar na dadaanan ng convoy para sa closing ceremony na gagawin sa New Clark City sa Tarlac.