Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na walang matatapakan na karapatang pantao sa gagawing paghihigpit sa pagkilos ng mga hindi pa bakunadong indibidwal kontra COVID-19 (Coronavirus Disease 2019) sa Metro Manila.
Ayon kay PNP Chief Police General Dionardo Carlos, ipatutupad nila ang “maximum tolerance” sa pagpapatupad ng bagong patakaran at pantay nila itong ipapatupad sa lahat.
Pahayag ito ni Carlos matapos na mapagkasunduan ng Metro Manila Council na panatilihin muna sa bahay ang mga hindi bakunado at huwag papasukin sa mga matataong establisyemento maliban na lang kung “essential” ang kanilang paglabas.
Giit ng PNP chief, patuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa mga local government unit at iba pang ahensya ng pamahalaan sa pagpapatupad ng health protocol.
Patuloy din ang kanilang pagbabantay sa lahat ng government designated at accredited quarantine facilities.
“Starting today, NCR is under Alert Level 3. PNP Chief General Dionardo Carlos assures na kahit may mga LGU which shall prohibit unvaccinated individuals from entering or staying inside eatablishment, then they have the authority to set their local guidelines basing from the National direction of the IATF. Sisiguruhin po ng PNP walang karapatang pantao ang matatapakan. We will exercise maximum tolerance on the implementation of the policies, at the same time making sure that no one is above the law,” pahayag naman ni PNP spokesperson Col. Roderick Augustus Alba.