Reading Time: 1 minute

CAGAYAN DE ORO CITY – Ipinangako ni Valencia City chief of police, Lt. Col. Surki Serenias na kanila pang paiigtingin ang pagmo-monitor sa KAPA Community Ministry International Inc. sa buong probinsiya ng Bukidnon.

Ito ay sa kabila ng paglilinaw ng opisyal sa umano’y gagawin ng KAPA na tinaguriang sangkot sa investment scam na magsasagawa lamang sila ng devotional activities sa naturang lugar.

Nagbabala si Serenias na hindi sila magdadalawang isip na hulihin ang mga maaktuhang nakikipagtransaksyon pa rin sa KAPA lalo na at wala pang “go signal” ang Securities and Exchange Commission (SEC) na muli itong bumalik sa operasyon matapos ipasara ni President Rodrigo Duterte noong buwan ng Hunyo.

Una nang kumalat ang mga report mula sa social media na may gagawing orientation ang mga miyembro ng KAPA.

Sa ngayon ang founder ng KAPA na si Pastor Joel Apolinario ay nahaharap sa mga kaso na inihain ng NBI, SEC at iba pa.