-- Advertisements --

Suportado ng Philippine National Police (PNP) ang hakbang na magtakda ng “fixed term” na tatlong taon para sa PNP Chief.

Ang pahayag ay ginawa ni PNP Spokesperson PCol. Jean Fajarado, matapos aprubahan ng Pangulo ang Republic Act 11709 na nagtatakda ng tatlong taong termino para sa AFP Chief at ilan pang matataas na opisyal ng militar.

Ayon kay Fajardo mayroon ding kahalintulad na hakbang para sa PNP na nakabinbin sa Kongreso na inaasahan nilang maipapasa din.

Sinabi ni Fajardo na makabubuti sa PNP na magkaroon ng mas mahabang termino ang PNP Chief upang mabago na ang “revolving door policy” ng pag-upo ng ilang buwan lang ng pinuno ng PNP.

Samantala, sinabi ni Fajardo na base sa Internal survey, pabor din ang karamihan ng opisyal ng PNP na panatilihin sa 56 ang mandatory retirement age, at hindi na iangat sa 60 katulad sa ibang mga tauhan ng gubyerno.

Paliwanag ni Fajardo, 24/7 ang trabaho ng isang pulis kaya nais sana nila na makapag-retire ng maaga habang malakas pa.