-- Advertisements --

Umapela nang pag-unawa sa publiko si PNP spokesperson Brigader General Bernard Banac kasunod nang mga balita hinggil sa komprontasyon kamakailan sa pagitan ng mga pulis at sibilyan.

Sa isang panayam, binigyan diin ni Banac na ginagawa lamang ng pulisya ang kanilang trabaho sa gitna ng umiiral na enhanced community quarantine (ECQ).

Pero pinaalalahanan nito ang mga kapwa pulis na palaging pairalin ang maximum tolerance sa pagganap ng kanilang tungkulin.

Nauna nang napahayag nang kanilang pagkabahala ang Higher Commission on Human Rights ng United Nations hinggil sa “highly militarized response” ng pamahalan laban sa mga lumalabag sa ECQ.

Kamakailan lang kumalat sa social media ang video kung saan nagkainitan ang isang police officer at foreigner sa umano’y paglabag nito sa ECQ protocols sa Makati City.

Sinubukan pang arestuhin ni Police Senior Master Sergeant Roland Von Madrona si Javier Parra, pero pumalag dito ang naturang dayuhan.

Bukod dito, binaril-patay ng isang pulis si retired Army Corporal Winston Ragos sa isang quarantine checkpoint sa Quezon City.