-- Advertisements --

Inatasan ni PNP Chief PGen. Guillermo Eleazar si Special Action Force (SAF) Director PMGen Felipe Natividad na ihanda ang kanyang mga tauhan sa possibleng deployment sa mga election “areas of concern”.

Ayon sa PNP Chief, ang mga lugar na ito ay yung may kasaysayan ng intense political rivalry at election related violence.

Kasunod ito ng nangyaring tatlong magkakahiwalay na pag-atake sa mga politiko, kabilang ang paghagis ng hindi pumutok na granada sa bahay ni Cagayan de Oro Cong. Rufus Rodriguez.

Kaugnay nito, inatasan ni Eleazar ang lahat ng Police Regional Directors na magsagawa ng mga “target hardening measures” sa kani-kanilang nasasakupan.

Kasabay nito, inatasan din ni Eleazar ang mga local chiefs of Police na bantayan ang mga banko sa financial districts sa possibleng pagnanakaw ng mga private Armed groups upang makalikom ng pondo para gamitin ng mga tiwaling politiko sa darating na halalan.

Ayon kay Eleazar, ang pagpapatupad ng mahigpit na seguridad sa eleksyon ay mula sa filing ng certificates of Candidacy hanggang sa kampanya, sa araw ng eleksyon, at proklamasyon ng mga nanalo.

Samantala, nagsagawa ng simulation exercises ang PNP Directorate for Operations sa pangunguna ni PNP, The Deputy Chief for Operations na si Lt.Gen. Ephraim Dickson.

Sa pamamagitan ng PNP Command Center dito sa Camp Crame, namomonitor ang lahat ng aktibidad sa ibat ibang regional, provincial at city police offices ang mga kaganapan lalo na at bukas magsisimula na ang filing ng COC ng mga kandidato.

Sinabi ni Dickson layon ng Simex para makita kung kailangan magkaroon ng adjustment sa kanilang mga inilatag na security measures at tignan ang kahandaan ng kanilang police force sa pagtugon sa anumang insidente.

Ibat ibang senaryo ang inihanda kabilang na dito ang pagtungo ng ilang pulitiko sa Comelec para maghain ng kaniyang COC.