ILOILO CITY – Tiniyak ng Iloilo City Police na tatalima ito sa utos ni Philippine National Police (PNP) chief, General Guillermo Lorenzo Eleazar sa malalimang imbestigasyon upang matukoy kung may operational lapses sa kontrobersyal na pagpatay ng mga operatiba ng Iloilo City Police Office (ICPO) sa isang lalaki na napagkamalang subject sa buy bust operation sa Barangay North Baluarte, Molo, Iloilo City.
Ang biktima ay si Karl Daniel Bolante, 27, residente ng North Baluarte Molo, Iloilo City at ang totoong subject ay si Dave Mendoza, 23, ng Rizal Pala-Pala 2, Iloilo City Proper.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Capt. Shella Mae Sangrines, spokesperson ng ICPO at hepe ng Iloilo City Police Station 1, sinabi nito na susunod sila sa lahat ng request ng Regional Internal Affairs Service (RIAS) VI na siyang tumututok sa kaso.
Ayon kay Sangrines, naisumite na nila ang lahat ng dokumento na kanilang nakalap upang matukoy ng investigating body ang totoong nangyari sa ginawang drug buy bust operation.
Inamin din ni Sangrines na nauunawaan at iginagalang niya ang hinaing ng pamilya ng biktima.
Napag-alaman na inamin din ni Corporal Rodante Lopez, operatiba ng Iloilo City Police Station 1 – Station Drug Enforcement Team, na siyang nakabaril-patay kay Karl Daniel Bolante.
Si Lopez at si Sangrines ay kapwa mahaharap sa kasong irregularity in the performance of duty samantalang si Sangrines ay mahaharap sa kasong “irregularity in the performance of duty based on the doctrine of command responsibility.”










