Nagnegatibo sa COVID-19 ang mga police officials na nakasama ni Philippine National Police chief Police General Debold Sinas kamakailan nang pumunta ito sa Oriental Mindoro.
Ayon sa Police Regional Office 4B Mimaropa, hanggang sa ngayon ay hindi rin nakitaan o nakakaranas ng sintomas ng COVID-19 ang mga natukoy na close contacts ni Sinas.
Nabatid na aabot sa 66 PNP personnel ang present sa command visit ni Sinas sa PRO Mimaropa office noong Marso 11.
Kasama sa bilang si PRO Mimaropa regional director Police Brigadier General Pasual Muñoz Jr.
Sinabi ng PRO 4B na ang RT-PCR test ay isinagawa anim na araw pagkatapos ng command visit ni Sinas para matiyak ang detection ng virus, kung maroon man, sa loob ng lima hanggang pitong araw kasunod ng exposure.
Nauna nang ibinunyag ng provincial government ng Oriental Mindoro na hindi sumunod sa health protocols si Sinas nang dumating ito sa probinsya at dumiretso sa PRO office.
Noong araw lang din na iyon, nakumpirma na positibo nga sa novel coronavirus si Sinas.
Ayon kay PNP spokesperson Police Brigadier General Ildebrandi Usana palagi namang nagswa-swab test si Sinas at sumusunod din ito sa health protocols subalit tinamaan pa rin ng COVID-19.










