Nilinaw ng Philippine National Police na hindi kailanman na naging miyembro ng kanilang organisasyon si dating BuCor chief Gerald Bantag.
Ito ang binigyang-diin ng Pambansang Pulisya kasunod ng sinabi ni Department of Justice Spokesperson Mico Clavano na isa sa mga dahilan kung bakit nahihirapan ngayon ang mga otoridad na tugisin si Bantag ay dahil sa koneksyon nito ngayon sa pulisya.
Sa isang pahayag ay nilinaw ni PNP-PIO chief PBGEN Redrico Maranan na batay sa kanilang records ay nanilbihan bilang officer si Bantag sa Bureau of Jail Management and Penology bago siya maitalaga sa Bureau of Corrections.
Aniya, bagama’t graduate sa Philippine National Police Academy si Bantag ay mas pinili nito na manilbihan sa BJMP pagkatapos ng kaniyang graduation noong 1996 dahil mayroon kasing opsyon ang mga PNPA graduates na pumili sa PNP, BJMP, at BFP kung saan nila nais magseserbisyo.
Kasabay nito ay muling iginiit ng Pambansang Pulisya na hindi ito matitinag sa paghuli sa sinumang indibidwal ang lumabag sa batas anuman ang anuman ang ranggo, taas, at source of commissionship ng mga ito.
Kaugnay nito ay sinabi rin ni Maranan na nagpapatuloy ang pagsusumikap ng mga tracker team ng CIDG upang tugisin sina Bantag at deputy nito na si Ricardo Zulueta alinsunod na rin sa utos ni PNP Chief PGen Benjamin Acorda Jr. sa tulong na rin ng National Bureau of Investigation kasama ang iba pang mga law enforcement sa bansa.
Samantala, patuloy naman na naninindigan ang PNP na nananatili ang matatag na dedikasyon nito na pangalagaan at pagsilbihan ang bansa at taumbayan upang itaguyod ang kapayapaan, seguridad, at katarungan para sa buong Pilipinas.