Nangako ang Philippine National Police (PNP) na magsasampa ng kaukulang kaso laban sa mga indibidwal na umano’y nanakit sa mga pulis sa ginanap na Labor Day demonstrations sa Maynila noong Mayo 1.
Ayon kay PNP chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., kasalukuyang kinakalap ng mga awtoridad ang mga ebidensya mula sa CCTV footage, body camera recordings, at mga video sa social media upang matukoy ang mga responsable.
“We are preparing appropriate criminal charges now,” ani Nartatez sa isang pahayag.
Naganap ang tensyon sa kahabaan ng Kalaw Avenue sa Maynila nang isang raliyista umano na naka-face cover ang umano’y nanuntok sa isang pulis.
Iniulat din ng PNP na pitong pulis ang nasugatan sa naturang mga kilos-protesta sa lungsod.
Binigyang-diin ni Nartatez na kinikilala ng ahensya ang karapatan ng mga ito sa pag-rarally, ngunit hindi umano palalampasin ng kanilang hanay ang nangyaring karahasan laban sa mga alagad ng batas.
“Let me be clear: Peaceful assembly is a right but violence against law enforcers will not be tolerated and will be met with the full force of the law,” dagdag pa ng PNP chief.
Dagdag pa niya, mahalaga ang pananagutan upang mapanatili ang kaayusan at maprotektahan hindi lamang ang publiko kundi pati ang mga tauhan ng pulisya.














