-- Advertisements --
image 95

Nasa mahigit 100 mobility assets habang nasa 80% naman ng kabuoang bilang ng kapulisan ang idineploy ng PNP simula ngayong araw.

Ito ay bahagi pa rin ng heightened alert status na ipinatupad ng Pambansang Pulisya bilang paghahanda sa ikakasang isang linggong tigil pasada ng ilang transport group na tutol sa traditional jeepney phase out at public utility vehicle modernization.

Sinabi ni PNP spokesperson PCOL Jean Fajardo sa panayam ng Bombo Radyo Philippines na kaugnay nito ay ipinag-utos na ni PNP Chief PGEN Rodolfo Azurin Jr. na imaximize ang lahat ng mobility assets ng pulisya para umalalay sa pamamagitan ng pagbibigay ng libreng sakay sa mga kababayan nating mga pasahero na pangunahing maaapektuhan ng nasabing transport strike.

Ang mga ito ay ipapakalat sa buong Metro Manila partikular na sa mga lugar kung saan madalas sumasakay ang mga commuters patungo sa kanilang mga destinasyon.

Ngunit nilinaw niya na sa kabila nito ay mayroon pa ring itatalagang bukod na puwersa ng kapulisan para naman sa agarang pagresponde kung kinakailangan.

Samantala, bukod dito ay tiniyak din ng Pambansang Pulisya na babantayan at imomonitor nito ang mga makikiisa sa transport strike kasabay ng panawagan sa kanila hayaan na ang kanilang mga kasamahan o iba pang tsuper ng jeep na mas piniling ipagpatuloy ang kanilang pamamasada sa araw na panahong ito.

Kaugnay nito ay magpapatupad din ang pulisya ng maximum tolerance at gayundin ang pagtatalaga ng mga civil disturbance management sakaling may ma-obserbahan aniya ang kapulisyahan na mobilization mula sa panig ng mga raliyista.

Patuloy naman ang panawagan ng PNP sa mga grupong makikiisa sa nasabing nationwide tigil pasada na siguraduhin ng mga ito na hindi sila lalabag sa batas at irerespeto aniya ng kapulisan ang kanilang mga karapatan para ipahayag ang kanilang mga damdamin.