CAUAYAN CITY – Patuloy na tinutugis mga kasapi ng 84th Infantry Battalion (IB), Philippine Army ang mga tumakas na kasapi ng New People’s Army (NPA) sa boundary ng mga bayan ng Dupax del Sur at Alfonso Castaneda, Nueva Vizcaya.

Ayon kay 84IB commander, Lt. Col. Honorato Pascual, inaalam na nila kung may nasugatan sa mga rebeldeng grupo na kanilang naka-engkwentro nitong Lunes ng tanghali.

Tinatayang nasa 20 miyembro umano ng NPA ang nakasagupa ng mga sundalo.

Sinabi naman ni P/Maj. Jesus Ventura, hepe ng Alfonso Castaneda Police Station, nagsasagawa na sila ng blocking force sa posibleng lugar na takbuhan ng mga rebeldeng hinahabol na mga sundalo.

Pinaigting rin ang kanilang police visibility upang hindi matakot ang mga residente na nakatira malapit sa pinangyarihan ng engkuwentro.