Idineploy na ng Philippine National Police ang kanilang mga Medical Reserve Force (MRF) para tumulong sa vaccination program.
Ayon kay PNP chief General.Guillermo Eleazar, ipinakalat na nila ang kanilang 15 MRF sa ibat ibang vaccination site sa Quezon City.
Kasama rito ang San Francisco High School, Project 6 Elementary School, at Masambong Elementary School.
Trabaho ng mga ito na tumulong sa pag-administer ng bakuna, pigilan ang overcrowding at magpatupad ng health protocol.
Nabatid na ang PNP-MRF ay una nang nagamit sa PNP-operated quarantine facilities tulad sa Ultra Stadium sa Pasig City at PICC quarantine center sa Pasay City.
Ayon kay PNP Health Service Director, Brig. Gen. Luisito Magnaye, nag-assign sila ng tig-limang MRFs sa bawat vaccination sites.
“15 MRFs ang na deploy namin sa QC vaccination sites. 5 MRFs each Vaccination Sites with 500 vaccines,” mensahe pa ni Gen. Magnaye.
Samantala, sinabi naman ni Eleazar na ang National Capital Region Police Office Medical and Dental Unit ay sumasailalim na sa reorientation sa vaccination bilang paghahanda sa vaccination ng A4 priority group.
Samantala, inatasan din ni PNP chief ang lahat ng regional directors at provincial directors na makipag-ugnayan sa Department of Health sa pagtukoy ng mga police camp na pwedeng magamit na vaccination site.
Ang pahayag ay ginawa ni PNP chief matapos sabihin ni vaccine czar Secretary Carlito Galvez Jr. na ang police at military camps ay gagamitin na vaccination sites sa A4 priority sector habang patuloy na dumarating ang mga bagong suplay ng bakuna.
Kasunod nito, inatasan din ni Eleazar ang mga regional at provincial director na maghanda sa paggamit sa kanilang mga tauhan para maghatid at magsundo ng mga babakunahan.
Naniniwala si Eleazar na ang mga kampo ng pulis ay magandang vaccination sites dahil ito ay maluwag at may open space na akma para matiyak na masusunod ang social distancing.