Nagbabala ang Philippine National Police sa publiko laban sa mga naglipanang travel accomodation o tour scams sa bansa.
Ito ay matapos na makapagtala ang PNP Anti-Cybercrime Group ng 313 kaso ng vacation scams sa Pilipinas noong nakaraang taon.
Mas mataas ito ng 243.95% kumpara sa 91 insidente ng travel scam na naitala ng kapulisan noong taong 2022.
Habang sa unang dalawang buwan naman ng taong 2024 ay umabot na rin sa 35 mga kaso ang naitala ng naturang hanay ng kapulisan.
Ayon sa PNP-ACG, modus ng naturang vacation scams ang magpanggap na isang lehitimong establisyemento na nag-aalok ng accomodation sa mas murang halaga para kagatin ng biktima.
Ngunit pagdating ng mga biktima sa lugar ay tsaka lang nila malalaman na ang kanilang reservation ay non-existent pala.
Paliwanag ni PNP-PIO chief PCol. Jean Fajardo, ang mga kaso ng vacation scam ay tumataas lalo na ngayong panahon ng “revenge travel” kung saan maraming mga Pilipino ang nais na magbakasyon matapos ang pagtama ng COVID-19 pandemic sa bansa.
Kaugnay nito ay patuloy namang pinapayuhan ng mga otoridad ang publiko na magtransact lamang ng kanilang mga biyahe sa mga otorisadong travel agencies upang maiwasang mabiktima ng ganitong uri ng mga panloloko. (With reports from Bombo Marlene Padiernos)