-- Advertisements --
bantag 1

Nagbabala ngayon ang PNP sa mga indibidwal na posibleng nagkakanlong kina dating Bureau of Corrections Chief Gen Gerald Bantag at kanyang Deputy na si Ricardo Zulueta.

Ayon kay PNP Spokesperson PCol Jean Fajardo, sa halip na kanlunging o itago sina Gen. Bantag at Zulueta ay nakabubuting ibunyag na lamang sa PNP ang kanilang mga lokasyon.

Mabigat aniya ang maaaring kaharapin ng sinumang mahuhuli o mapapatunayang tumutulong sa dalawa, na maaaring pagkakakulong ng apat hanggang sa anim na taon, maliban pa sa malaking multa.

Ginawa ng opisyal ang babala, sa gitna na rin nang isinagawang malawakang manhunt ng PNP nitong nakalipas na buwan, laban sa dalawang wanted ngunit hanggang sa ngayon ay hindi pa rin natutukoy ang lokasyon ng mga ito.

Nauna na ring sinabi ni Justice Sec. Jesus Crispin Remulla na dalawang beses nang nagpahayag si Gen Bantag ng kanyang pagnanais na sumuko.

Ngunit ayon kay Fajardo, hindi pa rin titigil ang tracker team ng PNP hangga’t hindi nahuhuli ang dalawa.

Maalalang noong nakalipas na buwan ay inilabas ng korte ang warrant of arrest laban sa dalawa dahil sa pagkakasangkot sa pagpatay sa broadcaster na si Percy Lapid at ang umano’y middleman at NBP inmate Cristito Villamor.