-- Advertisements --

Rerespetuhin ng Philippine National Police (PNP) ang mass walk out ng mga estudyante ng University of the Philippines (UP) ngayong araw.

Ang mass walkout ay bilang pagprotesta sa panawagan ng Armed Forces of the Philippines at PNP na pahintulutan silang pumasok sa mga paaralan para mapigilan ang pag-recruit ng New People’s Army ng mga mag-aaral.

Ayon kay PNP Chief Oscar Albayalde, malayang magsagawa ng kilos protesta ang mga estudyante basta hindi lalabag ang mga ito sa batas.

Binigyang-diin ni Albayalde na bahagi na ng demokrasya ang aktibismo pero kung ito ay hahantong sa anarkiya at karahasan, ay obligado ang PNP na itaguyod ang kapayapaan.

Siniguro naman ni Albayalde na “maximum tolerance” ang ipapatupad ng mga pulis sa mga makikilahok sa kilos protesta.

Pakiusap naman ng PNP chief sa mga protesters na manatiling mapayapa at ‘wag manira ng mga pampublikong pasilidad.