-- Advertisements --

ano

Maglulunsad ang PNP ng crackdown laban sa e-sabong operations.

Ito’y alinsunod sa kautusan ng Pangulong Duterte na ipatigil na ang kontrobersyal na sugal.

Sa isang statement, sinabi ni PNP Public Information Office Chief PBGen. Roderick Augustus Alba, na kung kinakailangan, ito ay kanilang sisimulan sa oras na matanggap na nila ang detalyadong kautusan mula sa mga nakatataas.

Ang desisyon ng pangulo na ipatigil ang e-sabong ay base sa rekomendasyon ni DILG Secretary Eduardo Año, kung saan tinukoy ang masamang “social impact” ng naturang sugal.

Sinabi ng pangulo na ipauubaya na niya kay Año ang pagpapalabas ng detalyadong kautusan sa pagpapatigil ng e-sabong.

Tiniyak naman ni Gen. Alba na may kapasidad ang PNP na ipatupad ang naturang kautusan na may tamang koordinasyon sa mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan.

“The instruction of the President is effective today. We are awaiting for the signed order of the President. Once signed, it would mean cancellation of all franchises given to operators. The PAGCOR, DILG thru PNP, DICT and DOJ will implement the suspension of e-sabong. Law enforcement agencies will arrest violators,” mensahe ni Secretary Eduardo Año.