Sumampa na sa 104 ang bilang ng mga pulis na nasawi dahil sa Covid-19 infection kung saan ang pinakahuling fatality ay isang liaison officer mula Police Region 4B o MIMAROPA.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) Chief, General Guillermo Eleazar, si Patient 104 ay 53-anyos, nabakunahan na ng unang dose ng COVID-19 vaccine at tatlong taon na nagda-dialysis dahil sa Chronic Kidney Disease at na-diagnose bilang diabetic.
Batay sa ulat ng PNP Health Service, August 20 nang dalhin sa ospital ang biktima matapos lagnatin at isinailalim sa RT-PCR test kung saan positibo ito sa COVID-19.
Kinabukasan ay nahirapan itong huminga at habang ginagamot ay pumanaw dahil sa severe pneumonia.
Nagpa-abot naman ng pakikiramay si PNP Chief sa pamilya ng nasawing pulis.
Binigyang-diin ni Eleazar na patuloy ang kanilang pagsisikap upang tugunan ang pangangailangan ng bawat pulis na tinamaan ng nakamamatay na virus.
Samantala, sa datos ng PNP mayroong 76 pulis na gumaling sa nasabing sakit kaya ang kabuuang recoveries ay nasa 32,295 habang 143 ang bagong kaso.
Ang kabuuang kaso ng COVID-19 sa PNP ay 34,316 subalit ang ginagamot na lamang sa iba’t ibang ospital ay 1,917.