-- Advertisements --

Para mas maraming mga pulis ang magpatrolya sa mga kalsada sa bansa, inirekomenda ni Samar Rep. Edgar Mary Sarmiento na payagan ang enlistment ng mga senior highschool graduates sa loob ng Philippine National Police.

Sa kanyang privilege speech sa plenaryo ng Kamara, sinabi ni Sarmiento na katulad ng mga kalapit na bansa sa ASEAN region gaya ng Malaysia, Thailand at Indonesia, ay dapat pinapayagan na rin ng PNP ang pagtanggap sa mga senior highschool graduates sa kanilang hanay.

Inirekomenda ni Sarmiento ang two-tier system kung saan 40 percent enlisted personnel ng PNP ay pawang senior highschool graduates at 60 percent naman ang nakapagtapos ng kolehiyo.

Hindi naman sa pagmamaliit aniya sa mga senior highschool graduates pero dapat akma ang trabaho na ibinibigay mga college graduates sa loob ng PNP.

Ang sistemang ito ang siyang nakikita niyang dahilan kung bakit tila hindi raw motivated ang mga pulis sa kanilang trabaho.

Gayunman, sinabi ni Sarmiento na malaking tulong sa K-12 program ng pamahalaan ang enlistment ng mga senior highschool graduates sa hanay ng pulisya.