Mas hinigpitan pa ng Philippine National Police ang ipinapatupad nitong seguridad sa pagbabantay sa mga ebidensyang kanilang nakakalap mula sa iba’t-ibang mga operasyong kanilang ikinakasa.
Ito ay sa kabila ng kaliwa’t kanang mga kontrobersiyang kinakaharap ngayon ng Pambansang Pulisya matapos na madawit sa operasyon ng ilegal na droga ang ilang mga pulis.
Dahil dito ay mas pinagtibay pa ng PNP ang kanilang “evidence room” ng PNP Forensic Group sa Camp Crame upang maiwasan na maulit pa ang parerecycle sa mga nasabat na ilegal na droga bilang bahagi ng kanilang ipinapatupad na mas mahigpit na security measures upang matiyak na hindi makokompromiso ang mga ebidensyang hawak nila.
Kabilang sa naturang paghihigpit ay ang dagdag na mga kandado at metal gate sa lugar na maa-access lamang ng tatlong custodian sa pamamagitan ng biometrics, habang may mga nakakakabit din na mga cctc cameras sa mga entry at exit points nito.
Kaugnay nito ay magiging mahigpit din ang mga otoridad sa paglalabas ng mga ebidensya kung saan maaari lamang itong ilabas sa pasilidad kapag ipinag-utos ng korte at ng Forensic Group na humihiling ng mga utos ng korte na sunugin ang nasamsam na droga.
Ang naturang evidence room ng PNP Forensic Group ay mayroong kapasidad na hindi bababa sa 12 tonelada, at sa nagyon ay naglalaman ito ng nasa humigit-kumulang isang toneladang drug paraphernalia na may katumbas na halagang Php 6 billion.