Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na handang tumestigo ang pulisya para sa imbestigasyon ng Department of Justice (DOJ) hinggil sa mga alegasyon ng umano’y iregularidad sa kampanya laban sa ilegal na droga ng Duterte administration.
Sa isang statement ay sinabi ng PNP na magpapatuloy sila sa pagpapaabot ng tulong sa DOJ sa pamamagitan ng pagtitiyak na magkakaroon ng police witnesses sa gagawing imbestigasyon nito.
Kabilang na rito ay ang mga kasalukuyang pagsisiyasat ng ahensya sa ilang operasyon ng pulisya na isinagawa bilang bahagi ng pagpapatupad ng anti-illegal drug campaign.
Kasunod ito ng naging paghimok ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla sa mga police personnel na sangkot sa nasabing kampanya ng nakaraang administrasyon na lumabas na at tumestigo laban sa mga naging abusadong kasamahan ng mga ito.
Bukod dito ay nagpahayag din ng suporta ang PNP sa naging panawagan ni Remulla na baguhin ang probisyon ng Republic Act 6981 o ang Witness Protection, Security and Benefit Act.
Layunin nito na isama sa witness protection program ng pamahalaan ang mga mambabatas sa bansa.
Ito ay sa kadahilanang marami aniyang mga law enforcers ang nagnanais na magsabi ng katotohanan tungkol sa drug war ngunit kapwa nag-aalangan dahil sa takot para sa kanilang mga kaligtasan.
Isa rin sa mga opsyon ng mga kinauukulan ay ang resettlement sa ibang bansa ng mga police officers na lalabas at tetestigo para sa naturang imbestigasyon.
Matatandaan na una nang inamin ni Remulla na nahihirapan ngayon ang DOJ na maghanap ng mga tetestigo sa kanilang pag i-imbestiga hinggil sa mga alegasyon sa kampanya kontra droga ng Duterte administration na kilala din bilang “Oplan: Tokhang”.