Binigyang diin ng PNP na handa itong tumalima sa anumang magiging rekomendasyon ng National Police Commission mula sa resulta ng isinasagawang imbestigasyon nito sa mga courtesy resignation ng mga 3rd level officers ng Pambansang Pulisya.
Ito ang tugon ni PNP-PIO Chief PCOL Redrico Maranan kasunod ng anunsyo ni DILG Sec Benjamin Abalos Jr na isinasapinal na lamang ngayon ng NAPOLCOM ang kanilang pagbubusisi.
Aniya, sa ngayon ay hinihintay na lamang nila ang paglalabas ng resulta ng naturang imbestigasyon at anuman daw ang maging resulta nito ay agad na ipapatupad ng PNP.
Ang courtesy resignation ay bahagi ng layunin ng pamahalaan na linisin ang buong hanay ng kapulisan mula sa katiwalian partikular na sa pagkakasangkot ng ilang kapulisan sa operasyon ng ilegal na droga.
Una nang sinabi ni DILG Sec Benjamin Abalos Jr. na anumang araw ngayong linggo ay ilalabas na ng NAPOLCOM ang resulta ng imbestigasyon nito sa mga courtesy resignation ng mga heneral at koronel ng pambansang pulisya.
Bukod pa ito sa ginagawang pagsisiyasat ng NAPOLCOM hinggil sa kaso ng 990kg biggest drug haul na inaasahang matatapos sa susunod na dalawang linggo na hiwalay ding iniimbestigahan ng binuong special investigation task group 990 ng PNP.
Ayon kay Abalos, mabusisi ang ginagawang imbestigasyon ng NAPOLCOM ukol sa mga ito upang matiyak na magiging matibay ang kanilang hawak na ebidensya at impormasyon.
Matatandaang bago ito ay inanunsyo na rin ni retired Gen Rodolfo Azurin Jr na tumatayong chair ng binuong 5 man committee na mayroong apat na senior officials ng PNP ang kanilang inirekomenda sa NAPOLCOM na sibakin sa serbisyo at sampahan ng kasong kriminal at administratibo ngunit ipinaubaya na nito kay Abalos ang desisyon kung isasapubliko ba ang mga pagkakakilanlan ng mga ito.