-- Advertisements --

Nilinaw ni PNP chief Gen. Guillermo Eleazar na hindi mag-i isyu ang PNP ng armas sa mga crime volunteers na nais tumulong sa pambansang pulisya laban sa kriminalidad, terorismo at iligal na droga.

PNP chief guillermo eleazar

Ito ay kaugnay sa naging pahayag ng Pangulong Rodrigo Duterte na armasan ang mga crime volunteer na pabor naman ang PNP sa nasabing suhestiyon at kung makakapasa ang mga ito sa lahat ng requirements at neuro exam para sa isang responsible gun owner.

Gayunpaman, dadaan aniya sa proseso bago sila payagang makapagbitbit ng baril.

Ayon kay PNP chief kung ang ibang indibidwal gaya ng media, pulitiko ay may baril, walang dahilan para hindi payagang mag-armas ang mga taong boluntaryong nais tumulong sa PNP.

Dagdag pa ni Eleazar na bilang mga volunteer hindi naman sila hahabol sa mga kriminal gaya ng ginagawa ng mga pulis kundi magsisilbing mga force multiplier ang mga nasabing volunteers na magbibigay impormasyon sa PNP.

Samantala, tutol si PNP chief na tanggalin ang baril ng mga pulis kapag off duty.

Aniya, naka duty man o hindi ay pulis pa rin ang mga ito na anumang oras ay may nakakaengkwentro na kriminal.

Pakiusap naman ni Eleazar na huwag idamay ang lahat ng pulis at ang buong organisasyon sa kalokohan ng iilan sa kanilang hanay.

Siniguro ng heneral na hindi nila tino-tolerate ang mga tiwaling pulis.