-- Advertisements --

Sumampa na sa 91 ang kabuuang bilang ng COVID-19 fatalities na naitala sa hanay ng Philippine National Police (PNP).

Batay sa report na isinumite ng PNP Health Service kay PNP chief Gen. Guillermo Eleazar, ang dalawang nasawi na police personnel na sina patient 90 isang 49-anyos na police captain na naka-assign sa Northern Mindanao habang si patient 91 ay isang 51-anyos na police executive master sergeant naka-destino sa CALABARZON.

Batay sa medical records, si patient 90 ay nakaranas ng ubo at lagnat noong July 26 hanggang July 28 at pinayuhang mag isolate at sumailalim sa RT-PCR test kung saan nagpositibo ito sa virus.

July 30 nang dinala ito sa hospital at isinailalim sa chest tube thoracostomy.

Nuong Aug 5, patuloy na bumababa ang oxygen level nito alas-4:00 ng madaling araw noong August 6 deniklarang patay ng kaniyang attending physician ang nasabing police captain.

Habang si Patient 91 ay naka-confine sa isang hospital noong August 9 dahil sa COVID-19 symptoms, matapos ang dalawang araw na hospitalization, noong August 11 namatay ito.

Napag-alaman na si Patient 91 ay nakatanggap na ng first dose ng COVID-19 vaccine noong July 19.

Nagpaabot naman ng kaniyang taos-pusong pakikiramay si PNP chief sa mga pamilya ng mga pulis na nasawi at siniguro na maibigay sa kanila ang anumang pinansiyal na tulong.

“Ang buong hanay po ng Pambansang Pulisya ay nagluluksa sa pagpanaw ng dalawa pa naming kabaro. Hindi madali at buhay ang inaalay ng ating mga pulis na nasa frontline at patuloy na nagbabantay upang hindi muling kumalat ang naturang virus”, pahayag ni Eleazar.

Samantala, as of August 15, ang PNP Health Service ay nakapagtala na ng 131 bagong cases kung saan sumampa na sa 1,959 ang active cases habang 85 naman ang bagong recoveries.

Sa ngayon nasa 77,735 o 35.05% na ang fully vaccinated na mga police personnel habang 90,230 o 40.68% naman ang nakatanggap ng kanilang first dose.

Nasa 53,817 o 24.27% naman na mga police personnel ang hindi pa bakunado.