Tiniyak ng Philippine National Police-Anti Cybercrime Group (PNP-ACG) na mas mahigpit pa ang kanilang “cyber patrolling” ngayon kasunod ng ulat hinggil sa online activities na may kinalaman sa terorismo.

Ayon kay PNP-ACG director B/Gen. Dennis Agustin, nagsimula ng kumilos ang kanilang cyber police para makakuha ng impormasyon kontra sa ano mang iligal na aktibidad.

Bunsod din daw ito ng nakumpirmang ulat na posibleng nasa Pilipinas pa ang kontrobersyal na controller ng social platform na “8Chan” or Infinite Chan/Infinity Chan” NT Technology na si Jim Watkins.

Ang “8Chan” ang ginamit na Platform para sa extremism, radicalism, at supremacism na nagresulta sa mass shooting sa El Paso, Texas noong August 4, 2019.

Pati na ang naunang pamamaril sa isang mosque sa Christchurch, New Zealand.

Sinabi ni Agustin na ang cyber patrolling ay makatutulong sa pagsugpo sa violent extremism para matukoy na rin kung saan ang kinaroroonan ni Watkins na pinaghahanap ng mga awtoridad sa ngayon.