-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Ipinag-utos ni Philippine National Police Chief General Rodolfo Azurin Jr sa mga opisyal ng Police Regional Office 10 na aasikasuhin ang lahat ng mga pangangailangan lalo sa medical expenses at benepisyo na nararapat sa mga pulis na nasangkot sa madugo na aksidente sa bayan ng Naawan,Misamis Oriental.

Ginawa ng Chief PNP ang mensahe alinsunod ng kanyang personal na pagbisita sa survivors ng aksidente na patuloy na nasa pagamutan at maging sa pagbisita sa mga burol ng mga pulisya na nalagutan ng hininga sa mismong banggaan ng wing van laban sa dalawang ultra van noong Sabado ng umaga.

Sinabi ni Azurin na maliban sa pagpapalakas ng morale ng kanyang mga nasasakupan sa Northern Mindanao ay nagpaabot rin ito ng karagdagang financial assistance para sa mga pamilya na naulila at sa mga nagtamo ng mga seryosong sugat mula sa aksidente.

Magugunitang ito ang pinakaunang pagbisita ng heneral sa rehiyon subalit hindi troop visit subalit dahil sa malagim na aksidente na nasangkutan ng kanyang mga tauhan na nasa schooling program sana para sa kani-kanilang rank promotions.