Naniniwala si Philippine National Police (PNP) chief police director Gen. Ronald “Bato” Dela Rosa na matatapos na ang krisis sa Marawi City sa loob ng 15 araw.

Ito ay batay sa naging assessment ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa panayam kay Dela Rosa, kaniyang sinabi na may sariling basehan ang pangulo kung kaya nasabi niya ito.

Aniya, binibigyan ng regular information at briefing ang pangulo mula sa mga security officials sa ground kaya naglabas siya ng assessment.

Inihayag pa ni Gen. Bato na sa panig naman ng PNP, ay nagbibigay ng suporta sa tropa ng Armed Forces of the Philippines, na siyang nasa frontline sa bakbakan sa Marawi.

Una nito ay si Pangulong Duterte ang humiling sa harap ng mga negosyante sa Makati ng 10 hanggang 15 araw upang tapusin na ang krisis sa Marawi.