-- Advertisements --

Siniguro ni Philippine National Police (PNP) chief Oscar Albayalde na bibigyan ng hustisya ang pagkamatay ng pulis ng Aurora Municipal Station na in-ambush ng mga kasapi ng New People’s Army (NPA) NPA noong Martes.

Ito ang inihayag ng PNP Chief sa isinagawang command conference sa Aurora Provincial Police Office nitong Huwebes.

Si PO2 Martial Ronald Buendicho Rudiera ay napatay habang ang chief investigator ng Aurora municipal station na si SPO2 Angelo Nobleza Gawat ay sugatan, nang tambangan sila ng NPA habang rumesponde sa inireport na nasusunog na truck sa sa Sitio Dimani, Brgy Villa, Maria Aurora, Aurora province.

Ayon sa PNP chief, sadyang sinunog ng NPA ang naturang truck sa layong tambangan ang mga rumespondeng pulis at militar.

Ipinag-utos ni Albayalde sa Aurora PPO na magpatupad ng mga checkpoints sa lahat ng entry at exit points ng lalawigan habang sinusuyod ng militar ang kabundukan, para masiguro na walang malusutan ang mga salarin.

Matapos ang pagpupulong ay bumisita si Albayalde sa lamay ng napaslang na pulis at ipinaabot ang kanyang pakikiramay sa pamilya nito.

Siniguro naman ni Albayalde mga naulila ni PO2 Rudiera na agaran nilang matatanggap ang mga kaukulang benepisyo mula sa pamahalaan.