-- Advertisements --

Nilinaw ni PNP Chief Police Gen. Camilo Pancratius Cascolan na ang tinutukoy niyang promosyon para kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Director PMgen. Debold Sinas ay promosyon sa position.

Ito’y matapos ihayag ni Department of Interior and Local Government (DILG) Sec. Eduardo Año na hindi na pwedeng ma-promote sa ranggong 3-star o Lieutenant General si Sinas dahil batay sa mga patakaran ng Napolcom, hindi na maaring ma-promote ang kulang sa isang taong nalalabi sa serbisyo.

Sinang-ayunan naman ito ng Cascolan pero sinabing iba ang promosyon sa ranggo at iba ang promosyon sa position.

Una kasing sinabi ni PNP Chief na pinag-iisipan niyang bigyan ng mas mataas na position sa PNP si Sinas dahil sa magandang performance nito sa NCRPO.

Kinukunsidera din aniya bilang kapalit ni Sinas sa NCRPO si Police Regional Office Region 4a (PRO-4A) Regional Director Police Brig. Gen. Vicente Danao.

Binigyang diin ng PNP Chief na ang mga pulis opisyal na maganda ang trabaho ay karapat-dapat na mabigyan ng promosyon, at susundin niya ang prinsipyo na “placing the right man in the right job” sa pag-pwesto sa mga ito.