-- Advertisements --

Tiniyak ni Philippine National Police (PNP) chief polici director Gen. Ronald Dela Rosa na hindi nila ititigil ang pinaigting na kampanya laban sa iligal na droga.

Ginawa ng PNP chief ang pahayag sa gitna ng sunud-sunod na “one time, big time” operations partikular sa Bulacan kung saan 32 umano’y drug personalities ang napatay, sa Manila Police District ay 25 ang naitalang nasawi, habang 16 sa Northern Police District.

Binigyang-diin ni Dela Rosa na dapat walang awa ang mga pulis sa paglaban sa mga drug personality, bagkus ay dapat na mas maging matapang kapag ang sangkot sa droga at kriminalidad ay kapwa mga pulis.

Hinimok din ng PNP chief ang mga pulis na huwag pansinin ang mga kaliwa’t kanang batikos ng mga kritiko kaugnay sa madugong kampanya kontra sa iligal na droga.

Ayon sa heneral, minsan hindi na niya maintindihan ang mga kritiko dahil kapag walang ginagawa ang mga pulis ay inaakusahan silang mga inutil samantalang ngayon na nagtatrabaho na ng sinsero ay inaakusahan naman ng impunity.

Buwelta ni Dela Rosa sa mga kritiko, bakit hindi sila sumisigaw ng impunity noong naghahari-harian ang mga drug lord sa Pilipinas.

Naniniwala aniya siya na hindi mapagtatagumpayan ng PNP ang paglaban sa iligal na droga, kriminalidad at korupsyon kung hindi magkakaroon ng internal cleansing sa mga pulis.

Pagtiyak ng heneral na mas magiging intense ang kanilang internal cleansing laban sa mga police scalawags.