Muling itinanggi ni PNP chief Gen. Archie Francisco Gamboa na nagkaroon ng party nang siya ay umakyat sa Baguio City nitong nakalipas na weekend at hindi nagkaroon ng testimonial parade para sa kaniya sa Philippine Military Academy (PMA).
Ginawa ni Gamboa ang pahayag matapos kumalat sa social media na nagkaroon daw siya ng party.
Aniya, nagkaroon lang ng dinner meeting na nagtapos ng alas-9:30 ng gabi.
Siniguro ni Gamboa na mahigpit nilang sinunod ang social distancing at wala rin daw naganap na buffet.
Tatlong sasakyan din daw ang kanilang ginamit sa pag-akyat sa Baguio at sila’y sumailalim sa triage na siyang regulasyon ng Baguio City.
“Well coordinated” din daw ang kanilang pag-akyat kay Mayor Benjamin Magalong.
Si Gen Gamboa ay nag-iikot sa iba’t ibang Police Regional Offices bilang bahagi na ng kaniyang pamamaalam kaugnay sa nalalapit nitong retirement sa Sept. 2, 2020.
“There is no truth to the allegations spreading on social media. There were only 3 vehicles, which is less than the CPNP Security Protocol. All of us went through the triage as per the City of Baguio’s regulations. There was no party or concert. It was a dinner that ended at 9:30 p.m. Saturday,” pahayag pa ni Gamboa.