-- Advertisements --
barm

Inatasan ni PNP chief Gen. Dionardo Carlos si Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR) regional director BGen. Arthur Cabalona na gamitin ang lahat ng “available resources” sa pagsasagawa ng “hot pursuit operations” sa responsable sa pambobomba ng bus sa Parang, Maguindanao.

Nangyari ang insidente nitong linggo ng umaga nang sumabog ang isang improvised explosive device (IED) na itinanim sa likurang bahagi ng isang Rural Tour bus na patungo ng Dipolog City mula sa General Santos, habang binabagtas nito ang National highway sa Brgy Making, Parang, Maguindanao.

Walang nasawi sa insidente, bagamat sugatan ang apat sa 23 pasahero ng bus.

Narekober at na-disrupt naman ng rumespondeng Explosive and Ordinance Disposal (EOD) team ng PNP ang pangalawang IED sa loob ng bus.

Ayon kay Gen. Carlos ni-review ng mga imbestigador ang CCTV footage ng bus para matukoy ang posibleng person of interest sa pambobomba.

Kasabay nito nanawagan ang PNP chief sa publiko na ipagbigay alam sa pulisya ang anumang impormasyon na makakatulong sa pagtukoy at pag-aresto na nasa likod ng pambobomba.