-- Advertisements --
PNP CHIEF PGEN. RODOLFO AZURIN JR.

Inatasan ni Philippine National Police Chief PGen. Rodolfo Azurin Jr. ang buong hanay ng pulisya na panatilihin at mas paigtingin pa ang kampanya kontra ilegal na armas lalo na ngayong papalapit ba ang Holiday Season.

Ito ay matapos na makumpiska ng PNP ang nasa mahigit walong libong loose firearms sa loob lamang ng tatlong buwan.

Ayon kay PNP Chief Azurin, ito ay resulta ng mas pinaigting na kampanya ng pulisya laban sa ilegal na armas na kalimitang ginagamit din sa mga krimen.

Sa datos, nasa kabuuang 8,255 loose firearms ang narekober, isinurender, at nakumpiska ng kapulisan mula sa iba’t-ibang police operations na kanilang ikinasa tulad ng check point operations, at anti-drug operations mula Hulyo 2022 hanggang Oktubre 8 ng taong kasalukuyan.

Habang nasa kabuuang 4,895 naman dito ang ini-turn over na ng mga otoridad sa mga pulis para sa safe keeping.

Samantala, sa kabilang banda naman ay iniulat din ng pambansang pulisya na umabot rin sa 2,471 indibidwal na nagmamay-ari ng mga hindi rehistradong mga baril ang naaresto ng pulisya dahil sa Republic Act 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.