-- Advertisements --

Walang nakikitang paglabag sa quarantine protocols ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP) sa pagtitipon-tipon ng mga pulis sasalubong sa kaarawan ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Dir. Debold Sinas.

Ayon kay PNP chief General Archie Gamboa, nagkaroon naman kasi aniya ng social distancing ang mga pulis nang idaos ng mga ito ng mañanita para kay Sinas.

“Walang party ang nangyari, ang sabi ni General Sinas. Probably nagkaroon ng mañanita, pero doon sa mañanita, ang sabi ni General Sinas, is inobserve pa rin nila ang social distancing. I don’t think may violation ito,” ani Gamboa sa isang Facebook live press briefing.

Pero makikita sa official Facebook page ng NCRPO ang litrato na magkakalapit ang mga maraming mga pulis habang kumakain.

Makikita rin sa isang litrato si Sinas, na walang suot na face mask, habang hinihipan ang nakasinding kandila sa kanyang birthday cake at tumatanggap ng bulaklak mula sa kanyang mga bisita.

Magugunita na sa panuntunan na inilatag ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases, ipinagbabawal ngayong umiiral ang enhanced community quarantine ang anumang mass gatherings at mahigpit ding ipinapatupad ang physical distancing.