-- Advertisements --
Orlando "Dondon" Dinoy

DAVAO CITY – Agad na iniutos ngayon ni Philippine National Police (PNP) Chief Guillermo Eleazar ang pagsagawa ng imbestigasyon sa pagpatay sa journalist sa Davao del Sur sa nakaraang araw.

Sinasabing nakipag-ugnayan na sila ngayon sa Presidential Task Force on Media Security para agad na maresolba ang kaso at agad na makilala ang nasa likod ng pagpatay sa biktima na si Orlando “Dondon” Dinoy.

Agad na inutos ng opisyal sa Police Regional Office-Davao director na tutukan ang kaso at siguruhin na managot ang responsable sa krimen.

Tiniyak rin ng PNP na mabibigyan ng proteksiyon ang mga miyembro ng media laban sa mga pang-aatake at panghaharass dahilan na nanawagan ang opisyal sa mga miyembro ng media na makipag-ugnayan sa otoridad kung may matatanggap itong banta sa kanilang buhay.

Kung maalala nasa anim hanggang pitong putok ang narinig mula sa apartment ni Dinoy kung saan pinasok ito ng mga suspect habang naghahanda ng kanyang hapunan.

Patuloy pa na inaalam ng otoridad ang mga posibleng motibo ng krimen.