-- Advertisements --

Dumistansiya si Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Archie Francisco Gamboa sa isyung posibleng mabigyan ng Amnestiya si Idang Susukan ang inarestong notorious Sulu-based ASG sub-leader na sumuko kay MNLF Chairman Nur Misuari.

Ayon kay Gamboa wala sa poder ng PNP ang magbigay ng amnesty. Ipinauubaya na rin ng PNP ang naturang paksa sa ibang sangay ng pamahalaan gaya ng Executive o Malacañang at Legislative Branch o ang Kongreso.

Inihahanda na rin umano ng PNP ang kanilang report para kay Hon. Judge Abdulmuin Pakam ng RTC Branch 5 ng Bongao,Tawi Tawi hinggil sa pag aresto kay Susukan.

Dagdag pa ni Gamboa na sa korte na rin nila ilalahad ang circumstances sa pag aresto dito. Korte lang din aniya ang makapagsabi kung dapat na managot si Misuari sa pagkakanlong nito kay Susukan.

Iniimbestigahan na rin ng PNP kung paano nakarating sa Davao si Susukan.

Lumutang ang balita na posibleng mabigyan ng amnesty si Susukan dahil ito ang pangako umano sa kaniya ni MNLF Chairman Nur Misuari na nagdala sa kaniya sa Davao mula Sulu.