Pinaiimbestigahan pa rin ni Philippine National Police (PNP) Chief Oscar Albayalde ang umano’y anti-communist group na Kawsa Guihulnganon Batok Komunista o KAGUBAK sa Negros Oriental.
Ito’y kahit aminado si Albayalde na wala siyang ideya hinggil sa nasabing anti-communist group na may hawak daw na hit list kung saan nasa lima hanggang 15 indibidwal na ang napapatay ng grupo.
Ayon sa PNP chief, unang beses niyang narinig ang KAGUBAK dahil wala siyang natatanggap na report dito mula sa provincial at regional director.
“Personally first time ko narinig ‘yan pero wala din report din ‘yung ating regional director dyan or even the provincial director on the existence of that alleged death squad. We will investigate that. I will have to talk to the PD there kasi bago yung PD natin doon and I would have to talk with the RD kung totoo ‘yung existence ng death squad,” ani Albayalde.
Kung maaalala, sa pagdinig ng Senate Committee on Public Order nitong Martes kaugnay sa serye ng mga patayan sa Negros Oriental, pinapatutukan ng ilang senador ang KAGUBAK para sa kaligtasan ng mga personalidad na kasama sa listahan ng grupo.
Sa report ng PNP, halos lahat ng biktima ay may pagkakahawig at may ugnayan sa makakaliwang grupo.
Isa aniya sa kanilang tinitignan ay ang “purging” kung saan mismong kasamahan nila ay kanilang pinapatay bilang sakripisyo upang mapagbintangan ang mga security forces.