-- Advertisements --
dilg sec abalos x pnp chief azurin

Mariing itinanggi ni Philippine National Police Chief PGen Rodolfo Azurin Jr. na mayroong gusot sa pagitan nila ni Department of the Interior and Local Goverment Secretary Benjamin Abalos Jr.

Ito ay sa gitna ng kinakaharap na isyu ngayon ng Pambansang Pulisya matapos pangalanan ni Abalos ang ilang matataas na opisyal ng PNP dahil sa umano’y pagkakasangkot ng mga ito sa 990kg na droga na nasabat sa isang operasyon noong nakaraang taon.

Paglalarawan ni Azurin, “very professional” raw ang working relationship nilang dalawa ni Abalos kasabay ng pagsasabi na bagama’t magkaiba sila ni Abalos ng pamamaraan sa pagtugon sa ilegal na droga ay iisa pa rin naman daw ang direksyon na kanilang tinatahak para solusyonan ang nasabing suliranin.

Marami din aniya siyang hawak na mga impormasyon at ebidenysa hinggil sa kaso ng 990kilos na ilegal na droga at handa raw ang Pambansang Pulisya na ipresenta ang lahat ng ito sa kalihim upang makatulong na rin sa isinasagawang imbestigasyon nito sa naturang kaso.

Matatandaang una nang nagbabala si Azurin kay Abalos na mag-ingat sa mga taong nagbibigay sa kaniya ng mga maling impormasyon.

Ito ay may kaugnayan pa rin sa issue ng umano’y “massive cover up” ng mga pulis sa kaso ng PHP6.7 billion na halaga ng ilegal na droga na nasabat mula sa WPD lending firm ni dating PMSG Rodolfo Mayo Jr.

Kasabay nito ay nanawagan din ang hepe sa kalihim na magtiwala sa pambansang pulisya para sa paglutas nito sa isyu ng droga sa buong hanay ng PNP.