-- Advertisements --
azurin 1

Binigyang-diin ni Philippine National Police chief PGen. Rodolfo Azurin Jr. na hindi pa “case solved” ang kasong pagpatay sa mamamahayag na si Percival Mabasa o Percy Lapid.

Sa kabila ito ng una nang naging pahayag ni Special Investigation Task Group commander at Southern Police District director Police Brigadier General Kirby John Kraft na nalutas na ang naturang kaso dahil sa may na-identify na silang mga suspek dito na ang ilan pa ay kasalukuyang nasa kustodiya na nila.

Sa isang pahayag ay nilianw ni PNP chief Azurin na hindi pa nila tuluyang nalulutas ang kasong pagpaslang kay Lapid dahil hindi pa nila natutukoy hanggang sa ngayon kung sino talaga ang mastermind dito.

Paliwanag niya, kailangan at mahalaga raw kasi na matumbok muna ng pulisya kung saan nagmula ang utos ng pagpapapatay sa nasabing mamahayag kahit na sinampahan na ng kaso ang pangunahing suspek dito na si Joel Escorial at iba pa niyang mga kasamahan.

Ito ang dahilan kung bakit hanggang ngayon ay nagpapatuloy pa rin ang paggulong ng imbestigasyon ng mga otoridad ukol sa naturang kaso.

Samantala, sa kabilang banda naman ay sinabi rin ni PNP chief Azurin na gamit ang lahat ng mga ebidensyang hawak nila at kanilang makakalap pa ay unti-unti na rin silang napapalapit sa pagtukoy kung sino talaga ang utak na nasa likod ng utos na pagpatay kay Percy Lapid.