Nagtalaga na si Philippine National Police Chief PGEn. Benjamin Acorda Jr. bagong Deputy Chief PNP for Administration.
Batay sa nilagdaang memorandum order ni PNP Director for Personnel and Records Management PMGEN. Belli Tamayo, epektibo mula kahapon ay mayroon nang bagong pangalawa sa pinakamataas na posisyon sa buong hanay ng Pambansang Pulisya.
Sa kumpirmasyon ni PNP Public Information Office chief PCOL. Jean Fajardo, itinalaga ni PNP chief Acorda si PLTGEN. Emmanuel Peralta bilang bagong second top cop ng PNP kapalit ng kareretiro pa lamang na si LtGEN. Rhodel Sermonia.
Bago maitala sa naturang puwesto, nanilbihan muna si Peralta bilang chief of directorial staff ng PNP, at dati ring nagsilbi bilang director for operations at director ng Police Regional Office 1 at Southern Police District sa Metro Manila.
Samantala, hahalili naman sa kaniyang nabankanteng puwesto ay si PMGen. Jon Arnadia Arnaldo na dating nakatalaga sa Area Police Command Northern Luzon.