-- Advertisements --

Bukas ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP) sa hiwalay na imbestigasyon kaugnay ng pagkamatay ng NDF peace consultant, finance officer na si Reynaldo Bocala matapos makipagbarilan sa mga operatiba ng PNP, Biyernes ng gabi sa Barangay Balabag, Pavia, Iloilo.

Naninindigan naman si PNP chief Gen. Guillermo Eleazar na legitimate ang nasabing operasyon na isisilbi sana ng mga pulis ang warrant of arrest laban sa suspek.

Kasama ng PNP ang militar ng isilbi ang warrant of arrest.

“If they want an independent probe, so be it. Bukas po ang PNP doon. Pero gaya ng sa ibang kaso, papasok ang IAS dito para magsagawa ng motu propio investigation upang alamin kung may pagkukulang ang mga operatiba,” wika pa ni PNP chief Eleazar.

Sinabi ni PNP chief na karapatan ng pamilya ni Bocala na humiling ng hiwalay na imbestigasyon.

Pinaiimbestigahan na rin ni Eleazar sa PNP Internal Affairs Service (IAS) ang insidente upang alamin kung may pagkukulang ba o pang aabuso ang mga pulis na kasama sa operasyon na humantong sa pagkamatay ng nasabing NDF consultant.

Mariin din itinanggi ni Eleazar na nagtanim ng ebidensiya ang mga pulis.

Sinabi ni PNP chief naging agresibo ang suspek dahilan para gawin ng mga operatiba ang nararapat para proteksiyunan ang kanilang sarili.

Nananawagan kasi ang grupong Karapatan ng independent investigation kaugnay sa insidente.

Argumento naman ni Eleazar na natagal ng kinansela ng Pangulong Duterte ang kasunduan sa Jasig sa NDF kaya’t ‘di na raw sila protektado sa mga ‘di basta na lamang maaring maaresto.

Si Bocala ay mayroong P4.8 million bounty dahil sa kasong robbery in band with frustrated homicide and damage to property with the use of motor vehicle and unlicensed firearms, robbery with serious physical injuries at paglabag sa Presidential Decree 1744 (destructive arson) at murder.

Siya ay asawa ni Maria Concepcion Concha Araneta-Bocala na kasama sa listahan ng mga terorista na inilabas ng Anti-Terrorism Council (ATC).

Bukod kay Bocala, patay din sa nasabing raid ang umano’y aide nito na si Willy Epago alias Ramon na kapwa idiniklarang dead on the spot.