Hanggang ngayon ay bigo pa ring matukoy ng PNP ang pagkakakilanlan ng suspek na nasa likod ng pag-atake at pagsunog sa ilang bahagi ng Resorts World Manila.

Nilinaw ngayon ni NCRPO chief Director Oscar Albayalde, isa namang driver ng taxi ang kanilang pinaghahanap dahil hindi pala sa isang private car ang sinakyan ng suspek nang magtungo sa hotel.

Aniya, nakuha na nila ang plate number ng taxi mula sa kuha ng CCTV camera mula sa hotel.

Nais nilang malaman kung talaga bang nagsasalita ito ng Tagalog o isang dayuhan.

May hinala ang mga imbestigador na sumakay ang suspek na may bitbit ng dalawang bag kung saan doon nakatago ang mga baril at ang gasolina na ginamit sa panununog.

Ayon kay Albayalde, ngayong araw ay inaasahang makukuha na ng PNP ang full copy ng CCTV camera.

Ang bangkay ng suspek ay nasa PNP Crime Laboratory na rin upang ma-autopsy at mapag-aralan tulad ng fingerprints nito at iba pa.

Wala pa rin kasing nagki-claim sa bangkay.

Ang dalawang baril naman ay isinailalim sa forensic examination.

Tutukuyin umano sa pagsusuri kung merong nagmamay-ari nito sa pamamagitan ng serial number.