-- Advertisements --
cropped Pinoy cellphone

Nagbabala ang PNP anti-cybercrime group laban sa mga naglipanang e-wallet scams sa bansa.

Ito ay sa harap ng inaasahang pagdami ng mga kaso ng e-wallet scams sa bansa kasabay ng napipintong pagtatapos ng deadline ng mandatoryong sim card registration.

Sa isang pahayag ay sinabi ni PNP-ACG Director PBGEN Sidney Hernia, na inalerto nila ang publiko sa kadahilanang sinasamantala aniya ng mga scammers ang kalituhan ng taumbayan pahinggil sa sim card registration.

Ito aniya ang paraan ng mga ito na linlangin ang mamamayan para magbahagi ang mga ito ng kanilang personal information at bank account details.

Bukod dito ay isiniwalat ng opisyal na isa rin sa mga modus ng mga scammers ay ang pagpapanggap bilang representative ng isang lehitimong e-wallet companies o financial institution na nag-aalok ng reward o discount sa mga target nitong biktimahin.

Kaugnay nito muling nagpaalala si Hernia sa publiko na makipagtransaksyon lamang sa mga mapagkakatiwalaang indibidwal at huwag basta maniniwala sa mga kahina-hinalang mga offer

Samantala, pahinggil pa rin dito ay muling binigyang diin ng PNP-ACG na hahabulin nila ang lahat ng mga kriminal na sumasamantala sa cyberspace.