Tiniyak ng pamunuan ng Pambansang Pulisya na kaagad nilang aabisuhan ang publiko kung may implikasyon sa seguridad ng mga mamayan sa Pilipinas ang nangyaring pagsabog sa Manchester, England.

Ayon kay PNP Spokesperson Dionardo Carlos kapag may ganitong insidente ay automatikong nagsasagawa kaagad ng threat assessment ang PNP kung may nagaganap na terrorist attack saan mang panig ng mundo.

Itinuturing ng mga autoridad na terrorist attack na isinagawa ng isang suicide bomber.

Ang pagsabog na naganap sa concert ni U.S. Pop star Ariana Grande sa Manchester England ay pumatay sa 22 katao at ikinasugat ng 59.

Siniguro naman ni Carlos ang kakayahan ng PNP na pangalagaan ang kaligtasan ng mga dumadalo sa mga international events sa bansa.

Sinabi nito na malawak ang karanasan ng PNP sa pag-secure ng mga international events na idinaraos sa bansa at may security template na ang PNP na ipinatutupad sa mga ganitong pagkakataon.

Malaking tulong din aniya sa pagkontra sa anumang bantang terrorista ang awareness ng publiko dahil sila ay nagsisilbing dagdag na mata ng PNP sa pababantay.