CAGAYAN DE ORO CITY – Sinang-ayunan ng PNP region 10 ang mungkahi ni Sen. Panfilo Lacson na papatawan ng parusang bitay ang mga pulis na mapatunayang magtatanim ng ebedinsiya sa mga drug suspects na kanilang mahuli sa anti-illegal drugs operations.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni PNP-10 Spokesman Police Col. Mardy Hortillosa na hindi sila tututol sa suhestiyon ni Sen. Lacson dahil makakatulong ito sa pagdisiplina sa iilang mga pulis na posibleng umaabuso sa kanilang tungkulin.
Aniya, hindi tino-tolerate ng kanilang organisasyon ang ganitong gawi-in dahil makakasira ito sa kanilang kredibilidad bilang mga alagad ng batas.
Ayon kay Col. Hortillosa na bawal sa batas ang pagtatanim ng ebedinsiya sa mga mahuhuling suspek at sa kasalukuyang batas mapaparuhasan ng habang buhay na pagkakabilanggo ang mga pulis na mapapatunayang magkasala rito.
Nauna rito, sinuportahan ni Sen. Lacson ang proposed death penalty bill laban sa mga taong nasasangkot sa high-level drug trafficking at iminungkahi ang pagpataw rin ng parusang kamatayan sa mga pulis na magtatanim ng druga bilang ebedinsiya sa mga drug suspects na kanilang mahuli sa operasyon.