Bago matapos ang 2021 pa target ng Philippine National Oil Corporation-Exploration Corp. (PNOC-EC) na simulan ang kanilang drilling activities bilang bahagi ng service contract sa West Philippine Sea.
Ayon kay PNOC-EC president and CEO Rozanno Briguez, dalawa ang hawak nilang service contract (SCs 57 at 59) sa nasabing bahagi. Isa ang nasa loob ng pinag-aagawang teritoryo, at isa nasa hilagang-kanluran ng Palawan, na siyang target buksan sa susunod na taon.
“The timeline is in the fourth quarter next year we can start drilling, and if we will be lucky, by 2026 or early 2027, production will start for SC 57,” ani Briguez sa pagdinig ng Senado sa budget ng Department of Energy.
Magugunitang inalis ni Pangulong Rodrigo Duterte ang moratorium o suspensyon ng oil exploration activities sa West Philippine Sea matapos ang implementasyon nito noong 2014.
Ayon kay Senate Committee on Energy chairman Sherwin Gatchalian, magandang balita ang plano ng kompanya.
“That’s very good news because definitely, we need to replace Malampaya as soon as possible, even though the timetable to extract that and to produce is way beyond 2024,” ayon sa mambabatas.
Nakausap na raw ng PNOC-EC official ang Western Mindanao Command ng Armed Forces of the Philippines kaugnay ng drilling activities.
Ang SC 57 na nasa northwest ng Palawan daw ang may pinaka-potensyal sa indigenous oil at gas mula sa mga service contracts.
Sang-ayon dito sa Gatchalian dahil malapit lang ang site sa pwesto ng Malampaya, na siyang pinagkukunan pa ngayon ng energy resources ng bansa.