Binigyang pagkilala ng Philippine Military Academy si outgoing Philippine National Police chief PGen Rodolfo Azurin Jr. isang araw bago ang opisyal na pagreretiro nito sa serbisyo sa darating na Lunes, Abril 24, 2023.
Ito ay sa pamamagitan ng pagdaraos ng isang testimonial parade na ginanap sa tanggapan ng PMA sa Baguio City bilang pagkilala sa halos apat na dekadang pagsisilbi ni Azurin sa Pambansang Pulisya.
Sa kaniyang naging talumpati sa naturang aktibidad ay binigyang-diin niya ang kahalagahan ng disiplina, kasipagan, at sakripisyo sa isang pulis na nagsilbi rin aniyang cornerstone sa tagumpay ng kaniyang paninilbihan sa bansa na kalauna’y nagdala rin sa kaniya bilang hepe ng PNP.
Kaugnay nito ay hinikayat din niya ang mga kadete ng PMA na ipagpatuloy ang pagtataguyod sa kahalagahan ng katapangan, integridad, at katapatan, na siyang tunay na tanda ng kanilang Alma Mater.
Kasabay nito ay ang kaniyang pagpapasalamat sa Cadet Corps ng Armed Forces of the Philippines, Philippine Army, kaniyang mga kaklase mula sa PMA “Makatao” Class of 1989 at PMA administration sa ilalim ng pamumuno ni Lieutenant General Rowen S Tolentino.
Bukod dito ay nag-iwan din siya ng kaniyang mensahe sa mga ito na huwag sumuko gaano man kahirap ang pagsubok na kanilang kakaharapin.